Sunday, November 3, 2013

Pagwawari sa Luntiang Ilaw sa Peysbuk

Hindi ako madalas nag oonline sa chat sa Facebook, ngunit dahil nakaturn on sa mobile, may mga mensahe akong natanggap mula sa aking mga kaibigan noong hayskul.

Marami akong napagtanto sa mga maiiksing usapin namin.

Matagal na palang hindi ako nagkakaroon ng komunikasyon sa aking mga kaibigan-- sa mga kaibigan sa trabaho, sa Unibersidad at iba pa-- oo, ngunit hindi sa aking nakagisnan.

Pinipili kong lasapin ang mga araw na wala akong pasok sa pagtulog, panonood at pagkain at pagbabasa-- mga bagay na hindi karaniwan kapag may pasok. Pampawala ng magdamagang puyat at pagkahapo sa loob ng isang semestre bilang estudyante at guro.

Naramdaman ko ang pakiramdam ng mawalay sa mga kinagisnang mga kabigan, mga katoto noon sa bawat pag-uwi ng disoras ng gabi dahil sumasali kami palagi sa mga paligsahan, sa mga pamamasyal sa mga mall at pagkanta pa nga ng bidyoke sa Masagana na katai lang ng eskwelahan namin (na ngayon ay Savemore) na, at mga matagalang pagtigil sa Journalism Room para magsumite ng mga artikulo.

Akala ko, akala ko, ang makipagsabayan sa agos ng buhay ang paraan para mabuhay, lumaya, gumasta ng kinita kapag nalulumbay na, uminom at magpakalango, manirahan sa isang dormitoryo, at kung anu-ano pa. Pansamantalang kaligayahan ang nararamdaman kapag ganoon.

Sa mga kaibigang nakahuntahan ko sa Facebook, masaya ako para sa inyo gayunpaman ang galak ninyo sa aking kinalalagyan ngayon.

Nakalimutan ko kayong pasalamatan sa mga pagkakataong nakakausad na ako at nakakamit ko ang mga pangarap ko sa buhay. Napagtanto ko na kung hindi dahil sa lakas ng loob at positibong pananaw na ibinigay ninyo sa akin nung hayskul, hindi ako mamumukadkad bilang isang tao.

Hindi masyadong makulay ang naging hayskul ko noon, pero hinding hinding hindi ko malilimutan na nagkaroon ng yugto sa aking buhay na nariyan kayo. At ang tagal tagal tagal na nating hindi nagkikita.

Naisip ko, hindi ba't masarap balik-balikan ang nakaraang nagpatingkad sa buhay natin noong hayskul?
Hindi ba't masarap gunitain ang mga tawanan na hindi dulot ng sahod na kinikita natin kung hindi ang sayang dulot ng kamusmusan at paghanda sa hamon ng totoong buhay?

Masaya ako sa kinalalagyan natin ngayon-- tama si Roselyn, hindi nga pangarap ang kanyang hinabol pero masaya siya sa trabaho at buhay, samantalang ako, hinabol ko nang hinabol ang pinakaaasam-asam. Masaya rin naman ako kahit mahirap. Tama si Roselyn na may isang yugto na ang mas mahalaga ay makita ang kariktan ng buhay kaysa ang magpakasasa lamang sa kung ano ang dapat gawin sa buhay.

Kay Ate Iam na nagpadala rin ng mensahe bago kay Roselyn ngayon, ito ang naging mga mensahe ko sa kanya, mga pagtugon sa maiksi naming pag-uusap:

"Lahat naman tayo. Iba iba lang ng direksyon. Ikaw din, Ate Iam..Happy rin ako sa inyo kahit na nagfocus na ko sa stuff..."

Bigla siyang tumugon:
"Pag talaga mabait, binibless..."

Tugon ko,
"
No. If it weren't for you guys, wala ako dito. Kayo yung tumulong sa akin noong hs. You guys are good friends."

Ngunit, ito talaga ang naging mensahe ko sa kanya,
"B
lessing sa inyo ang mga anak ninyo. Someday, after polishing my career, family naman and with kids. Sana pag ngkita tayo, makita ko ang kids ninyo at makita ko na masaya kayo with them.
More than fulfilling a dream is one woman who knows how to raise her children.
Alagaan mong mabuti si baby at ikaw. I know priority mo si baby at hubby. Hehe! Hope na maging mabuting bata si baby kasi yan ang fulfillment of your dreams.
Siya ang star ng buhay mo ngayon. Siya ang bundle of joy ngayon. :)"

May kurot sa puso ko ngayon. Bigla kong naalala kung saan ako nagmula.

Hindi lamang ito hahantong sa usapan sa Facebook.

Magkikita rin kami.

Sunday, September 1, 2013

Sumaglit sa Tipahan

Sabi ng roommate ko, isipin ko ang naging desisyon ko na aking inisip at ginawa mga ilang taon na ang nakararaan. Isipin kong mabuti upang sa gayon ay makausad na ako.

Tumigil ako pasumandali sa mga nakikita kong mga numero, mga pangalan, ang talaan, atbp.
Bukas, panibagong araw na naman ang aking kakaharapin. Magkagayunpaman, dapat alam ko sa sarili kong ako ay handa na.

Sabi naman ng isa kong kaibigan, ngayon na alam ko na ang lahat, klaro/ malinaw na sa akin ang aking patutunguhan-- dahil nangyari ang mga bagay-bagay na hindi naaayon sa akin, marapat lamang na tunguhin ko na ang direksyon na kung saan alam kong makasisiguro ako.

Alam ko man na iyon na yata ang pinakamasakit na naramdaman ko sa tanang buhay ko, alam kong kailangan kong magparaya. Ngayon, alam ko na dapat ko nang ilaan ang aking oras sa tunguhing ninanais ko ng pag-unlad at kaganapan.

Alam kong kinailangan ko ng kagyat na panahon upang manahimik at mag-isip at magnilay, at marahil ito na ang tamang panahon upang namnamin ang katahimikang mayroon ako-- kadalisayan ng puso't isipan na magbubunsod sa akin sa intensyong hindi pilit at hindi minadali.

Hindi man ngayon ang kaganapang hinihintay ko, hindi man ngayon ang yugto ng aking buhay na masasabi kong may pagbabanyuhay na maisasakatuparan, at hindi man ngayon ang panahon ng pag-aani, hinihintay ko ang panahong aking mapapatunayan ang landasin na aking tinahak, ang desisyong aking pinananagutan magpasanghanggang ngayon.

Hindi man ito ang panahon upang mapanumbalik ang sigla at saya na dati kong nakamit, hindi man ito ang gintong panahon para sa akin, hindi man ito ang araw, buwan o taon ng muling pagtibok ng aking puso, darating ang panahon na ang gintong panahon ng pagpapanumbalik ng pag-ibig sa akin ay mananaig.

Hindi ngayon. Hindi muna ngayon.

Sasaliwin ko muna ang hiwaga at misteryo ng pag-iisa.
Lalasapin ko ang pagiging mag-isa-- lalasapin ko ang kabaliwan, ang kakulitan ng isip, ang mapaglarong ako.
Dadamhin ko ang kalayaang mayroon ako.

Damdamhin ko ang mga oras na mayroon pa ako...
Hindi ko ito sasayangin.
Dadamhin ko ang bawat dampi ng hangin sa aking mga pisngi
ang halimuyak at hamog tuwing umaga
Ang pag-asang bitbit-bitbit, karag-karag ng aking puso.

Dahil darating rin ang panahon
iinog ang mundo
makikipagsapalaran ang mga bituin
makikiusad ang mga ulap
makikiusi ang buwan
at makikiniig ng init ang araw.

At darating ang bawat bukas
na may ningning sa aking mga mata.

Hindi lamang natatapos sa bawat tiklada ng aking mga kamay dito sa tipahan.
Natatapos ito sa pagdaloy, pag-usad, at pagbanyuhay.

Monday, August 26, 2013

Para sa iyo...

Nang malaman ko ang kahahantungan ng mga bagay-bagay, sabi ko tama na ikaw ay malirip pa sa aking isipan. Tama na ang bulag na katotohanang hindi ako ang iyong sinisinta.
Siguro, panahon na ng pag-aapuhap.Siguro nga. Kailangang gumising ako sa katotohanan na ito na yun. Friendzone na. Wala nang puwang sa iyong puso na minsan nang nagmahal ng tulad ko.
Isa na lang akong puwing. Marahil, ganoon na lamang kalaki ang natitirang pagmamahal mo sa akin. Hindi na ga-tinga. Kung sa bagay, hindi na pwedeng balikan ng isang sinukahan ang sumuka. Hindi na pwedeng ikandirit ang pusong pumalya nang tumibok sapagkat nakahanap na ng bagong irog.

Hindi ko sa maintindihang pagkakataon at bigla kitang naisip nitong mga nakaraang araw. Hindi ko alam at bakit biglang bumagabag ang iyong ngalan sa kahukutan ng aking isipan. Hindi isipan eh... sa puso ko. Bigla na lamang kumatok nang bahagya na animo'y nakadama ng isang pagbabadya.

Ngayon, alam at naintindihan ko na. Hindi ko sukat akalain na hindi na kita makikitang muli, hindi na makakasama sa isa pang pagkakataon, at sa kahit ano pa mang pagkakataon na ipatadhana... O baka wala naman sa itinadhana. Pikit-mata kong ipinaiintindi sa aking sarili na tumibag ako ng isang malaking pagkakataon na mahalin ka, at patunayan na talagang mahal kita.

Naghangad man ako ng taong magmamahal muli sa akin, na siyang nagparamdam, hindi ako muna pumasok sa ganoong relasyon dahil ayaw ko muna uli makapanakit ng iba.

Tulad nga ng sabi ni ..., nasa maganda kang mga kamay at nawa'y mahanap ko raw ang kapayapaan at kaligayahan. Hindi iyon hinahanap... hinihintay iyon. Kusang dumarating. Nirerespeto ko ang desisyon ninyong maging kayp magpakailanman at ang ganang akin lamang ay pagbibigay-suporta.
Hindi ko hangad na magpahayag ng pait at hindi pagtanggap sa mga nangyayari, bagkus, gusto kong tingnan ito sa mas positibong pananaw.

Patuloy pa rin nating abutin ang mga pangarap, maging isang Master's Degree holder, magkaroon ng magandang pamilya, maging isang mabuting mamamayan ng ating bayan.
Mahalin natin ang ibang tao kaya ng pagmamahal natin sa ating mga sinisinta.
Patunayan natin na may mga yugto sa buhay na maaaring hindi pa matanggap ngayon, pero matatanggap sa mga susunod pang yugto ng buhay.

Mahirap sabihin na maluwag kong tinatanggap ang lahat, pero lilipas ito, gaya ng pagmamahal ko sa iyo. Lilipas rin ang lahat. Mawawala rin ang lahat ng ito at pagtatawanan ko balang araw.

Sumaiyo nawa ang pagpapala at nawa'y maging ganapin si Kristo sa inyong magiging pamilya sa hinaharap.
Hangad ko ang walang-hanggang pagmamahal at paggabay ng Panginoon sa inyo.

"Nawa'y mahanap ko ang kapayapaan at kaligayahan..." -- hindi ko iyon hahanapin. Kusa iyong darating.

Sumainyo ang kapayapaan at pagpapala.

Wednesday, June 5, 2013

Pagtahak...

Hindi madaling sabihin sa magulang na gusto mong makakamit ng mga bagong responsibilidad, mga bagong pagkatuto, atbp. Malaking gampanin sa mga magulang, lalo na sa mga ina, ang pakaingatan ang kanilang mga anak, kaya kung gayon na lamang ang pagkabagabag ng aking ina sa ideya na magdodorm ako.

Ako? Magdodorm?

Ows? As if naman alam mo ang mga gawaing bahay at matutong mabuhay gamit ang iyong mga sariling paa.

-sabi sa akin ng sarili ko.

Hindi ito tungkol sa tunggalian ng aking sarili laban sa sarili nito. Tunggalian ito ng pag-alpas sa nakaugaliang sistema ng aking sarili, ng sistema ng close family ties, at maging tunggalian ito sa aking sarili na hayaan muna ang anumang nakabibigat sa sariling sistema.

Hindi ko sinasabing itatakwil ko ang aking responsibilidad bilang anak at kung anu-ano pa. Kalayaan itong maituturing sa akin-- na matuto dahil ito ako bilang tao na dapat punan ang kakulangan. Hindi ko masabi kung ano nga talaga ang kulang, ngunit ito ang aking tanging paraan para halughugin ang sarili-- na hindi nababatay sa aking responsibilidad maging sino man ako sa puder na kinabibilangan ko. May maituturing na 'ako'-- at hindi iyon dapat sumasaklaw lamang sa apat na sulok ng aspekto ng buhay ko. Marahil, ito na ang tamang panahon para kilalanin ang aking sarili, manahimik, magnilay, at tunay na mapagtanto ang mga naisin ko sa buhay.

Tumatanda tayo. Hindi paurong. Pasulong. Kung hahayaan natin ang mga bagay na makontrol, walang mangyayari. Ito yung panahon na ang pagkakakilanlan ko sa aking sarili ay isang taong palaging hinahamon ang sarili upang may mapatunayan sa magulang. Hindi ganoon. Ang pagnanais ng matibay na pagkakakilanlan ay makikita lamang sa huwad na pagtanggap ng hindi nasasangkaang aydentidad bilang ako.

Ilang araw na rin ang lumipas at ito yung punto na matutulog ako sa isang lugar na hindi ko kailanman kinatirikan, isang lugar na hindi ko kilala ang kasama ko (ngayon pa lang, pero sa susunod, siyempre, oo naman). Dito ko masusubukan ang sarili ko kung gaano kahaba ang aking pisi, kung ako nga ba talaga itong nakikisalamuha at kung sakto ba talagang ganito ako, at kung saan ba talaga ang aking limitasyon upang maiwasan ang masyadong delimitasyon.

Dito ko matutunghayan ang aking takot-- hindi dahil alam ko na ang mga mangyayari sa akin at masyado nang predictive katulad ng mga palabas, kung hindi, ang takot na hindi pa natatamaan ng aking pagkatao. Ang mga takot at pangambang hindi ko kayanin ang pagtahak na ito.

Pero bilang isang taong mapanghamon ng aking sarili, kakayanin ko ito. Nakikita ko ang kariktan at mabuting intensyon ng paggalaw na ito. Hindi man maiwasan ang mahirapan sa pag-usad, ngunit, alam kong para ito sa ikabubuti naming lahat.

Nawa. Nawa.

Sunday, April 21, 2013

Nakaisang taon rin! (Isang pagbabalik-tanaw)

Ipinangako ko sa aking sarili na magkakaroon ako ng oras upang namnamin ang isang buong taon sa Unibersidad at ilahad rito kahit kaunti ang pagkamangha ko rito, kabilang na ang makadaupang-palad ang ilan sa mga tao at maging propesor na tunay nga namang may nakabubusog ng utak at may mga bagay na nakakapagpakurot sa puso.

Kung maGoogle man niya ang kanyang pangalan o hindi at lumabas itong blog mula sa mga resulta  ay mabigyan niya ng kahit kaunting oras na mabasa at malaman na ipinahahayag ko kung gaano kaganda ang buhay kapag may mga taong kumakaakibat sa ating mga dalumat.
---

PPP.
Alyas niya iyan.
Alliteration kung baga.
Siguro kahit paulit-ulit-ulit mo siyang kunin ay ayos lang.

May mga punto sa ating buhay na napakahirap hagilapin kung saan ka kukuha ng isang representasyon ng pag-asa.
Malabo.
Minsan, tinatanggihan ka ng mga pagkakataon.
Humahantong sa paglalakad palibot hanggang sa mapagod.
Hilong-talilo na minsan, pero sige lang.

Sa isang yugto ng buhay natin, isang pinakamahalagang regalo na ng Poong Maykapal ang mabigyan tayo ng mga taong nariyan lang at nangungumusta. May pagpapahalaga sa tao at sa bayan. Mapagkalinga at may katwiran.
Ganyan ko siya inilalarawan. Kung alam man niya o hindi, kung naihahayag ko man ng direkta sa kanya o hindi, nais kong ipabatid rito kung gaano ako nag-umpisang gumapang at tumayo muli sa matinding pagkadarapa.
Ang tatlong taong ibinuno ko upang patatagin ang aking kaloobang kumuha ng Master's ay hindi isang biro-- nag-umpisa muli akong humanap ng pag-asang hindi muna ako muling makararanas ng matinding dalumat sa emosyonal na aspekto.
Aminado akong ang pagpunta ko sa Unibersidad ang isa sa aking kapamaraanan upang makausad, mas madiskubre ko ang aking sarili at mapatunayan kong kaya kong bumangon.

...at ang umpisa ng daloy ng pagbabago ay nangyari sa unang taon ko sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

AT dahil yun kay PPP.


Pagbabasa

Hindi ko makalimutan ang sinabi niya noong una kong isinabak ang sarili sa aking unang major:
"Ang pagbabasa ay hindi lamang pagbabasa ng texto. Ito ay pagbabasa ng mga killos, galaw maging pangyayari o nararamdaman ng isang tao."
Sinabi niya ito nang may inalo siyang kaklase namin dahil may personal na problema.

Simula noon, tumatak sa isip ko na bilang isang guro ng Pagbabasa, napagtanto ko na intindihin rin ang aking mga estudyante. Hindi ko lamang sila tuturuan ng mga kinakailangan nilang gawin kapag nagbabasa, ngunit, dapat ako rin ay matutong magbasa.
Binasa ko ang aking sarili, ang mga tao sa paligid lalo na ang mga bata.
Doon ko rin natandaan ang diskusyon ukol sa "idealism of youth". Mas nakitaan ko ng ganda ng pag-iisip nang naaayon sa ideyalismo ng isang bata. Ito yung pakiramdam na hindi ka nasasangkaan, na nasa ayos ang lahat, at mas nakikita ang kariktan ng mundo at mga bagay rito nang walang masyadong kumplikasyon.

Kung ganoon nga naman ang perspektibo natin sa buhay, hindi magiging mahirap ang ating pagtingin sa mga sitwasyon at mga bagay na lubhang malayo sa ating pinanggagalingan.
Wala tayong mga bagay na ipinag-iimbot.
Wala tayong mga taong inilalagay sa pedestal ng panghuhusga.
Wala tayong pintong isinasara dahil limitado lamang ang sakop ng ating pag-iisip.

Kung sa mga panahon man na halos ipagtulakan ko na lang ang aking sarili na pumasok tuwing 5:30 ng hapon dahil sa pagod at pagkabalisa, siya (si PPP) ang naging tulay upang ipagpatuloy kong pumasok kapag Huwebes.

HINDI alintana ang pagod.
Masarap na siguro umupo at mag-isip sa kanyang klase kahit ang katawan ay quota na sa pagkahapo mula sa magdamagang puyatan at trabaho (at aral).
Gaya nga ng nabanggit, ang pagbabasa ay pag-unawa sa mga tao, pangyayari at maging ang kilos at nararamdaman.

Ganoon niya itinuro sa amin kung paano magbasa.
At kung paano tumugon sa pangangailangan ng iba pagkatapos magbasa.

---

Panahon

Bilang isang guro, marami tayong responsibilidad na dapat gampanan: anak, kapatid, asawa, kaibigan, kaaaway at siyempre guro.
Siya ang isa sa mga taong nakilala ko na halos may panahon sa lahat at tintiyak niyang makabuluhan ang panahon na iyon para sa mga taong kanyang pinagsisilbihan at para sa kanya.
Hindi mapapantayan ang dedikasyon ng propesor naming ito kung kaya naman ay tantiyado niya ang bawat gagawin upang mabigyan niya ang lahat ng panahon--- at naaayon sa takbo ng panahon.

Siya na yung tipo na kahit ano mang dami ng ginagawa ay nakapunta pa sa Choral Fest ng kaibigan kong si Diana. Siya na rin yung magtetext sa amin kung kumusta na kami sa mga panahong hindi na namin kinakaya ang mga bagay-bagay. Siya na rin ang may panahon upang damayan kami kapag dumarating sa puntong hindi namin kaya.

Ano ba naman ang iksi ng buhay sa o kumpara sa dami ng panahong inilalaan niya sa bawat isa sa atin?
Kung baga, nakalikha na siya ng higit isandaang taon na buhay sa panahong ibinibigay niya.

Kung panahon lamang din ang pinag-uusapan, sa maniwala ka't sa hindi, hindi niya pinapalampas ang tawag ng panahon.
Alam niya ang ayon sa panahon at kung ano man ang uso sa panahon kung kaya't nakakaganyak rin siyang guro sapagkat siya yung tipong naaayon sa panahon.

---

Pag-asa

Gaya ng aking nabanggit at akin iyong sasabihin ng paulit-ulit: Siya ang isa sa mga pinakamatinding dahilan kung bakit gusto kong tapusin ang aking nasimulan.
Siya yung tipo ng gurong biibgyan ka ng pag-asa na bumangon kahit nakakaririmarin ang iyong nakaraan.
Sa bawat yugtong nakararanas ako ng pagkabagabag at kagulumihanan, hindi ako nag-aatubiling iphayag sa kanya na ganoon ang aking nararamdaman.
Naging bahagi rin siya ng sayang idinulot ng pag-asang ibinibigay hindi lamang siguro sa akin, kung hindi karamihan ng kanyang mga estudyante.
Dahil nabigyan ako ng pag-asa ni Ayel, pangarap ko ang pumayagpag at magningning. Nakita ko na may liwanag rin sa kabila ng mga nangyari sa akin ngayong taon na ito. Hindi naging madali sa akin upang mapagtanto ito, pero hindi kailangan ng isang konsepto lamang na nasa isipan upang madama ang pag-asa dahil sa tao at nasa kanyang paligid iyon.
Siya ang dahilan kung bakit hindi ako tumigil na maging mas matiyagang guro. Siya rin ang nakakumbinse sa akin na ipagpatuloy ang magandang nasimulan. Siya rin ang walang humpay na nagbibigay ng mga komento sa reflection papers ko kung kaya naman ay wala rin akong humpay na magpasa.
Dahil ang pag-asa ay hindi lamang nasa isipan. Interaktibo ito at nararamdaman at nararanasan ito mula sa ibang may tunguhin rin sa buhay.
At dahil ang pag-asa ay nasa atin, naghihintay lang upang magamit at maibahagi sa iba.

Pagbabasa. Panahon. Pag-asa.
Sa marami pa o baka maiksing pagkakataong magiging propesor ko siya, wala akong ibang sasambitin kung hindi papuri at pasasalamat sa kanya at sa Poong Maykapal dahil may mga taong tulad niya na hatid ang mga simpleng bagay na ito sa mundo ngunit hindi kailangang bilhin at maging eksklusibo lamang sa kung sino man ang mas nakaririwasa.

Pagbabasa. Panahon. Pag-asa.
Dahil mas naniniwala akong ang mas nakaririwasa sa buhay ay ang mga taong punung-puno ng (pagmamahal sa) pagbabasa, panahon, at pag-asa at kaya niyang ibahagi ito nang may masidhing pagmamahal sa iba.

Pagbabasa. Panahon. Pag-asa.
Hindi matatawaran ang angking galing ng propesor na ito na tunay nga namang isang huwaran para sa aming mga guro.

Mapalad kami sapagkat nakadaupang-palad ko ang PPP ngayong unang taon ko sa Unibersidad:
Walang iba kung hindi si Prof. Portia P. Padilla.

Saturday, March 30, 2013


Gusto ko ng katahinmikan.
Isang buwan o mahigit, malalaman ko na kung makakapasok ako sa dormitoryong ito.

Baka sakali, makatipid nang kaunti, may makausap nang hindi ako madalas napapagalitan o napagbubuntunan ng sama ng loob.

Kahit papaano, makalugar naman nang matiwasay.

Masarap namang mag-aral sa Unibersidad.

Malaya.

Hindi ako nililimitahan.

Masaya.

May ate, kaklase, mga kaibigan at mga propesor akong mababalingan.

Sana. Sana.
*fingers crossed*

Friday, March 29, 2013

Hilong talilo

Hindi pa ako tapos sa mga tinitipa kong pira-pirasong retaso na mga ideya.
Nagbabasa-basa pasumandali sa Facebook, basa ng articles mula sa IRA.

...

Sabi nila, kailangan ng 'fallow' time.
Hindi tumutubo ang isang lupa kapag patuloy mo itong ginagamit sa pagbubungkal at pagtatanim ng maaaring kainin.

Parang tao rin 'yan. Kailangan rin niya ng fallow time.
Paano nga ba siya uusbong bilang isang taong may kaganapan kung hindi mo siya hahayaang lumago? Magpahinga sandali?
Hintayin muli ang kaLIKASan niya upang maging kapaki-pakinabang?

Hintayin nating umusbong siyang parang isang apoy na may kakayahang magningas muli.
Hayaan nating siyang tuparin ang kanyang pagbabanyuhay sa buhay.
Hindi iyon para sa kanya.
Kung hindi para sa ating mga nilalang na kinakailangan ang kakayahan ng bawat isa.

...

Bigyan ninyo siya ng fallow time.

Monday, January 7, 2013

Pasintabi, basta may maikubli

"Art is an imitation of an imitation..." Nakalimutan ko na kung sino nagsabi pero narinig ko iyan noong nagliLiterary Theory and Criticism pa kami sa kolehiyo. At hanggang ngayon, kahit gasgas sa aking pandinig at lalamunan, iyon pa rin ang isa sa mga bagay na aking pinanghahawakan. Bigla ko lang nabuksan ito nang may makita akong may nagbablogspot pa. Naisip kong buksan, animo'y dagang kumikitkit sa mga laman-laman, buto-buto, o kahit ang pinakakaluluwa nito. Pagod ang aking isipan ngayon. Mabigat ang aking ulo. Ngunit, nang mabasa ko ang mga salitang ibinulalas ko rito, hindi ako makapaniwala na nakapaglikha ako ng palumpon ng mga salitang bubuhay sa aking mga nararamdaman. Pumupurol ang aking utak. Gumagaralgal ang aking kaluluwa. Marahil, ang pagkahumalig, ang mundong aking ginagalawan na kung saan Ingles ang pangunahing wika ang nakapagpapurol sa akin upang ipagpatuloy ang nasimulan ko rito noon. Nagiging frustration na sa akin ang magsulat. Hindi na ganoon kapulido. Gudlak na lang kay Pygmalion at Galatea. Walang epektus. Hindi ko hangad na maging kilala itong blogspot ko. Pero ito ang sumasalamin sa mga pahapyaw ng utak ko at patutsada ng puso ko. Dito ako tumitibok kapag kailangan kong magresuscitate. Pahingang pansamantala. Napansin kong walang coherence sa mga tinitipa ko ngayon. Walang daloy. Walang kagatal-gatal kung magbigay ng mga salita rito na animo'y isang snowball fight. Gising ang aking diwa ngunit ang katawan ay hindi na. Nagbabata ang aking katawan. Samantalang ang lamig ng gabi ay kumukumot sa mahimbing na pagtulog ng karamihan sa atin, heto ako at nagbabato ng mga nais kong sabihin. Nanumbalik ang katawang lupa ko na magsulat, dahil nakakapamuhay ng dugo ang makita ang isang blogspot na puno ng mga ideya. Hindi nililimitahan ng 160 na karakter lamang. Ganoon na nga ba katamad at kawalang-tiyaga magbasa ang mga tao ngayon? May panahong magbasa ng istorya, pero ang saloobniin ng mga tao ay wala na. Wala nang panahon na makipaghuntahan ng personal, pulos digital naman. Hayyy, wala nang masyadong laman ang sinasabi ko ngayon, hindi katulad dati. hayaan mo, kapag may oras ako ay babalik akong muli at mag-iisip-- maghahasa, magtatasa at magsasanay paunti-unti. Matututo akong muli!