Sunday, September 1, 2013

Sumaglit sa Tipahan

Sabi ng roommate ko, isipin ko ang naging desisyon ko na aking inisip at ginawa mga ilang taon na ang nakararaan. Isipin kong mabuti upang sa gayon ay makausad na ako.

Tumigil ako pasumandali sa mga nakikita kong mga numero, mga pangalan, ang talaan, atbp.
Bukas, panibagong araw na naman ang aking kakaharapin. Magkagayunpaman, dapat alam ko sa sarili kong ako ay handa na.

Sabi naman ng isa kong kaibigan, ngayon na alam ko na ang lahat, klaro/ malinaw na sa akin ang aking patutunguhan-- dahil nangyari ang mga bagay-bagay na hindi naaayon sa akin, marapat lamang na tunguhin ko na ang direksyon na kung saan alam kong makasisiguro ako.

Alam ko man na iyon na yata ang pinakamasakit na naramdaman ko sa tanang buhay ko, alam kong kailangan kong magparaya. Ngayon, alam ko na dapat ko nang ilaan ang aking oras sa tunguhing ninanais ko ng pag-unlad at kaganapan.

Alam kong kinailangan ko ng kagyat na panahon upang manahimik at mag-isip at magnilay, at marahil ito na ang tamang panahon upang namnamin ang katahimikang mayroon ako-- kadalisayan ng puso't isipan na magbubunsod sa akin sa intensyong hindi pilit at hindi minadali.

Hindi man ngayon ang kaganapang hinihintay ko, hindi man ngayon ang yugto ng aking buhay na masasabi kong may pagbabanyuhay na maisasakatuparan, at hindi man ngayon ang panahon ng pag-aani, hinihintay ko ang panahong aking mapapatunayan ang landasin na aking tinahak, ang desisyong aking pinananagutan magpasanghanggang ngayon.

Hindi man ito ang panahon upang mapanumbalik ang sigla at saya na dati kong nakamit, hindi man ito ang gintong panahon para sa akin, hindi man ito ang araw, buwan o taon ng muling pagtibok ng aking puso, darating ang panahon na ang gintong panahon ng pagpapanumbalik ng pag-ibig sa akin ay mananaig.

Hindi ngayon. Hindi muna ngayon.

Sasaliwin ko muna ang hiwaga at misteryo ng pag-iisa.
Lalasapin ko ang pagiging mag-isa-- lalasapin ko ang kabaliwan, ang kakulitan ng isip, ang mapaglarong ako.
Dadamhin ko ang kalayaang mayroon ako.

Damdamhin ko ang mga oras na mayroon pa ako...
Hindi ko ito sasayangin.
Dadamhin ko ang bawat dampi ng hangin sa aking mga pisngi
ang halimuyak at hamog tuwing umaga
Ang pag-asang bitbit-bitbit, karag-karag ng aking puso.

Dahil darating rin ang panahon
iinog ang mundo
makikipagsapalaran ang mga bituin
makikiusad ang mga ulap
makikiusi ang buwan
at makikiniig ng init ang araw.

At darating ang bawat bukas
na may ningning sa aking mga mata.

Hindi lamang natatapos sa bawat tiklada ng aking mga kamay dito sa tipahan.
Natatapos ito sa pagdaloy, pag-usad, at pagbanyuhay.

No comments: