Wednesday, May 21, 2014

Kagabi/ kahapon/ o kung ano pa man...

As usual, madaling araw na naman akong nakatulog... well, nakauwi rin.
Pagkatapos kong makipag-usap (at siyempre may kainan) ng aking kaibigan ay may I take a bus ride na ako paPhilcoa. Siyempre alas onse na nun so hindi na ako magugulat kung wala ng dyip papasok ng campus.

May nagtanong sa akin, "Ate, ano'ng oras na?" Nung una, nag-aalangan akong lumabas ng cellphone dahil yun lang naman ang pinagtitingnan ko ng oras. Nilabas ko rin naman, mag-aalas onse na po, four minutes na lang. Nagkaroon na siya ng lakas ng loob na magsabi ng nangyari sa kanya matapos niya akong tanungin kung doon nga ba ang papunta ng Bulacan. Sabi ko, pwede naman kung sasakay siya ng Tungko kaso hindi naman siya taga roon (nagsabi lang ako from what I know sa kaibigan ko na taga-Bulacan).

Nasabi niyang hindi siya taga-Tungko at siya ay taga Pandi, Bulacan. In a way, hindi ko siya natulungan sa ganoon aspekto. Pero, gaya nang nabanggit ko kanina, naglakas na siya ng loob na magsabi sa akin ng totoong nangyari sa kanya. Hinding hindi na raw siya babalik ng Maynila dahil sa nangyari. Lumuwas siya ng Maynila dahil may nagrecruit sa kanya para siya ay maging P.A, pero hindi ng artista, pero ng isang maykayang nilalang. Nagpunta sila ng Quezon Memorial Circle tapos doon na nakuha ang kanyang pera at cellphone. nagstay siya sa QC mula May 19-20  at nakita ko siya sa Philcoa. Hindi pa siya kumakain ng mga oras na iyon kaya niyakag ko siya na kumain. Oo, alam ko na mababawasan na naman ang pera ko, pero mas makabubuti na siya ay makakain at makauwi na. Binalak na rin niya tumalon doon sa Philcoa overpass, ayon sa kanya dahil desperado na siya, kaso mas pinili na lang niyang matulog doon sa may Jollibee sa gilid (yung may maiksing hagdan).

Kahit na naglakad na lang ako pabalik ng campus eh okay lang sa akin basta alam kong panatag na siyang makakauwi sa Bulacan at nakakain na siya. Nang pabalik na ako sa dorm, naiiyak ako. Sa isip isip ko, mabuti talaga ang Diyos kasi hindi siya pinabayaan na hindi makauwi sa bahay nila at sa panahong kinailangan niya ng tulog ay may dumating.

Naiiyak ako kasi isa lang naman rin ang gusto ko-- isang yakap lang at masabing okay lang ako at kaya ko 'yan. Siguro, 'wag na lang maghintay. Sapat na nakapagbigay ako ng ngiti sa ibang tao.

Sunday, May 18, 2014

Open letter sa babasa nito, or kung sakali sa isang taong makaiintindi nito:

Imposibleng sumaglit ka sa website na ito, bihira ko namang ginagamit ang aking Gmail account, palaging Yahoo! naman ang pangsend ko ng mga pagsangguni sa iyong mga katanungan o kung may kailangan mang isumite.

Dumating sa punto na tinanong ako ng isang kaibigan, "Bakit ka ba nag-aral sa __?"
Tumigil ako. Tumawa lang. Nagkamot ng kanang balat. Hindi nakapagsalita kaagad.

Sabi ko, "Kasi gusto kong mag-aral sa ___... Pangarap kong mag-aral dito" sabay subo ng kanin na humehepa sa turmeric, tinadtad na tokwa, gulay at lechon macau na tig sisingkwenta y nuebe pesos sa Area 2 (kasi sabi ko masarap doon, o baka kasi mura kaya tayo napadpad roon).

Nagugulumihanan pa rin ako sa naging takbo ng semestreng ito para sa akin. Ng taong ito. Ng hindi ko mawari ano ang mayroon sa semestreng ito at mga nangagdaan na.

Tinanong mo sa akin kung ano ang problema ko at bakit ako nagkakaganito? Iniyakan lang kita. Hanggang sa kahuli-hulihang hilatsa ng isinusimite ko, pare-parehas pa rin ang mali. Hindi ako ganito noong una tayong nagkakilala at nag-enrol ako sa sabjek mo. Hindi eh. Ang layo sa ngayon.

Kung tumitipa man ang mga luha ko ngayon, marahil sila na ang makapagsasabi ng tunay kong nararamdaman. Iba ang tungkuling ginagampanan ng mga luhang ito-- nilalangib nila ang keyboard ngayon, at/o ang pagbaba nila ang hudyat ng pagtatanggal ng bigat na aking naramdaman.

Pasintabi kung hindi ko sa iyo masasabi nang harapan ang mga bagay-bagay na narito ngayon.
Gaya nang nabanggit ko dati, wala nangyari sa aking may kinalaman sa pagkabuntis. Kung broken-hearted man, matagal tagal na ring nairesolba iyon.

Pasintabi kung hindi naging maganda ang mga nagawa ko ngayong semestre. Hindi ito dapat naging ganito. Ang pakiramdam ko ngayon, gusto ko siyang maging papel at lukutin at maghanap uli ng panibagong papel. Parang nagsusulat lang ng komposisyon na hindi mabuo-buo ang dapat na maging kabuuan.

Pasintabi kung hindi ko masabi sa iyo kung gaanong gusto ko nang tumigil pansamantala kahit matigil man ang oras/panahon na mayroon at hawak ko. Gusto kong tumigil sandali sa mga ingay na naririnig ko, sa mga gulong nangyayari sa mga tao na palagi ko na lang tinatakasan at sa mga panahong gusto kong tumabi at huwag magpakita sa nakararami at tsaka iiyak at magsasabing "Ayoko na!" o "Teka lang!"

Ang bigat sa pakiramdam na sabihan ka ng boss mo na disappointed siya sa iyo. May malaki siyang pangarap para sa iyo, pero dahil palpak nga ako, hindi naisakatuparan ang gusto niyang mangyari. Hindi madaling ipagkibit-balikat ang mga salitang, "I am very disappointed". Wala akong nagawa nung mga panahon na iyon (tatlong buwan ang nakalilipas).

Minsan, sa dami ng ginagawa mo, kabilaang pagsasalo ng mga bagay-bagay at pag-aaral, hindi na ako nakakaiyak at nakakatigil sandali. Minsan, anino ko na lang na lumalabas ng bahay at pumapasok ng bahay ang nakikita ng mga tao sa bahay. Minsan, sa gitna ng pansamantalang mahimbing na tulog, may mga taong mag-aaway na parang akala mo hindi sila magkakamag-anak at magkakapatiran.

Minsan, kahit gusto mong tumigil muna at huwag magtrabaho, hindi pwede. Ilang bibig ang maaapektuhan, kasama na ako at ang pag-aaral ko. Na kahit minsan sa trabaho mo ay windang ka rin, wala kang magagawa, o gusto mong lahat kayo ay magutom.

Ngayon ko lang ito nailabas matapos maproseso kung ano nga ba ang nangyayari sa akin. Sa hinaba-haba ng panahong nasasabi ko na ayos lang ako ay mga kalakip na 'hindi talaga' na sagot. Kung masasabi ko lang sa iyo na gusto kong sabihin sa mga taong nakapaligid sa akin na gusto kong tumigil, matagal ko na sanang nagawa.

Nalulungkot ako. Dati-rati, nakasanayan ko ang magsulat nang magsulat, magdrowing nang magdrowing. Mistulang napurol at hindi ko alam kung paano ko pagaganahin o pababalikin muli. Sana masabi ko sa iyo na ganito ang mga nangyayari sa akin. Nagugulumihanan ako. Nalilito ako. O baka napapagod ako.
Napupuruhan rin.

Isa pa/ isa na lang.

Alam kong hindi ako yung tipo ng tao na nagpapakita ng gestures sa ibang tao. Hindi kasi ako sanay. Hindi ganoon ang nakalakhan ko. 'Pag malungkot ako, minsan, tinatapik ko na lang ang aking sarili o nagsasabi ako sa ibang tao na ganoon ang nararamdaman ko. Masaya naman ako kung may nakikinig.

Pero alam mo, sa tuwing yayakapin ko ang nanay ko, ako at ako lang ang aakap sa kanya. Hindi niya ako inaakap/ yinayakap. Kapag malungkot ako at nararamdaman niya, gusto ko sanang maakap niya ako para lang masabi na okay lang 'yan/ kaya ko 'yan/ huwag ka nang malungkot. Kaya nakakatawa o natatawa lang ako sa sarili ko 'pag sinasabi o tineteks ko lang sa ibang tao ang Kaya mo yan na may emoticon :) pero hindi ako marunong umakap ng ibang tao para ipakita sa kanila na dinadamayan ko sila kaya kung ako man, hindi ako nakatatanggap ng yakap.

(Siguro kung mayroon mang pag-akap, bakas iyon ng nakaraan, mga kalahati ng edad ko ngayong taon, na ayaw ko nang mabanggit pa rito.)

Sana, kung mabasa mo ito, sana maramdaman ko na magiging okay lang ang lahat. Damayan mo ako at sabihin mo sa aking, "Magiging okay ka rin!" Gusto ko lang na maakap ako, at hindi ako mangingiming umiyak, umiyak lang, kahit hindi ako magsalita sa kahit na pinakamaiksing oras ng buhay natin na tumigil ang oras/panahon ko kakaisip. Gusto ko lang maramdaman sa kagyat na sandali ng buhay ko na may ganoon ang maramdaman ko na kahit paano ay nagkaroon ng pagtigil sa pagkabagabag at pag-aalala.

Gumagalang,
Kidlat-utak