Wednesday, July 30, 2008

Sa Pagbabanyuhay...

Binahagdan ako ng Diyos/a ng oportunidad na saluhan ang buhay sa iba pang mga nilalang... Nilikha, hinubog, at ipinagyabong -- yaring isang punong pinagtibay at damdami'y pinag-alab pa ng panahon.

Nakisangkot ako sa masalimuot, masaklap, ngunit, lubhang kay sagana ng buhay sa kasiyahan at kamalayan na hinayaan akong mamulat sa katotohanan ng mundong kinagagalawan.

Ang buhay ay naging paglalakbay, at sa ikalabingwalong taon, hindi ko mawari ako'y makaaalpas rito. Tapos na ang pagbubuhay-bata at pagbabatang-isip, ngunit hindi ibig sabihin ay hindi na ako pupwedeng makalasap ng pagkabata sa aking pakiramdam at kalakasan. Lalo pang paiigtingin ng karugtong na pahina ang paglipad ng imahinasyon na papailanlang hanggang sa kaibuturan ng tao at sa kanyang sarili; ang panahon ng tunay na pagtuklas ng aking sarili sa iba't ibang aspekto ng buhay...

Sa mga nakisangkot sa aking buhay, sa Kanya, at sa inyo/iyo maraming salamat.

Padayon sa kariktan at kadalisayan ng buhay!

Akin ko na ring nakaagapay ang panahon ng paglalabingwalo.

Thursday, July 24, 2008

Pagmulat ng aking mga mata...

Ito kaagad ang aking naisip:

"Papadaanin ko na lang ba ang araw na iyon?"

Marami na rin akong nararamdaman:

ang kawalang-gana, pagsakit muli ng aking lalamunan, at ang pagkahapo sa mga gawaing-pang-akademiko.


Natagpuan ko ang tagal ng pagtulog, ang kahimbingan nito. Ang daloy ng aking dugo sa paggising ay parang napuno ng buhay at pag-asa.

9:40 pa ang unang klase ko... Hindi ko pa nasusuri nang maigi ang kuwentong, "Araby". Nag-iisip pa ako ng isusulat rito, pero 'di ko alintana ang takbo ng oras sa aming mga relo: sa laptop, sa cellphone, sa nakasabit sa dingding, at sa mga pansarili naming mga relo... "We run while we walk..." Kulang na lang sabihin sa akin ng lahat ng relo namin sa bahay...

Balikan ko muli ang tanong, "Papadaanin ko na lang ba ang araw na iyon?" Simple, pero mahirap sagutin. Ano nga ba? Paano? Bakit? Tinanong ako kahapon ng isa sa aking mga katoto: "Ano ba'ng gusto mo sa birthday mo?" Hindi ako sumagot. "(((xxxx))) [di ko maintindihan ang parteng ito] o GC sa Spa?" Hindi pa rin ako sumagot... Biglang tugon niya: "Alam mo naman kasi 'pag 18th birthday dapat medyo humahigher level tayo..." Hindi pa rin ako sumagot. Nag-isip ako sandali. [Iniisip ko ang bagay na nasa nakaraang blog ko]. Nasabi ko na lamang, "Ang makita ko si Dr. Mimi kahapon ay sapat na sa akin. One of the best birthday gifts na sa akin iyon..."

"Papadaanin ko na lang ba ang araw na iyon?" Ang araw na halos pinakaaaasam-asam ng aking pamilya, mga katoto, at ng sangkapitbahayan? Ano ba? Gusto ko lang maging masaya. At sasagutin ko na ang tanong na iyan... oo, gusto ko lamang dumaan ang araw na iyan masaya man o hindi sa pakiramdam. Daragdag lamang ang aking edad.

Isa lang ang aking hiling: hayaan akong magnilay sa araw na iyon, pagnilayan ang mga naganap sa akin noon at ngayon at magkumpara kung ano na nga ba ang nagbago. Hiling ko lamang na dumaan ang araw na iyon na mapagtanto ko na hahantong na ako sa kinabukasang ito at bukas-palad ko itong tatanggapin. Hayaang padalayuin ko lamang ang araw na iyon... Doon na ako masaya.

Tuesday, July 22, 2008

Aalis ka Muli Kaibigan...

Hulyo 22, 2008

Ang isa sa mga pinakamasaya at pinakamalungkot na araw.



Parang isang talulot ng sampaguita ang halimuyak ng iyong pagdating -- naghahatid saya sapagkat muli ay nakita na naman kita.

Parang talulot rin ng sampaguita na ika'y aking pipitasin at lumao'y mawawala sa aking tabi -- mawawala na naman ang halimuyak ng buhay.

Isa ka sa mga halimuyak ng buhay ko. Isa ka sa mga taong nakapagbibigay-saya sa magulo kong mundo. Isa ka sa mga pinakamahalagang tao sa buhay ko. Nawawalan ako minsan ng pag-asa sa iyong pag-alis, pero hindi ako binigo ng iyong lakas ng loob na mapatunayang ang halimuyak mo pa rin ay nariyan.

Nagbahagi tayo ng ating mga luha ngayon, nakita ko ang bilis ng pagpatak ng iyong mga luha sa lupa, hindi ko man batid ang bigat ng iyong mga luha, naramdaman ko ang bigat ng aking puso na muli ay maghihiwalay na naman tayo. Aaminin ko, malungkot na naman ako. Patay na naman ang daloy ng aking buhay -- pansamandali.

Ngunit ang huling pagkikita natin ngayon, nagbigay sa akin ng kahulugan, sa pormal mong pagpapaalam, ngayon mo na naisakatuparan na baka hindi ka na bumalik muli, pero nariyan pa rin ang kasiguraduhan ng iyong presensya, pitong bundok mula rito. Bukas, ika'y aalis, babagtasin muli ang kinabukasang mga palad mo ang naging susi. Hahayo ka't mangingibang-bayan, akin itong nauunawaan, akin itong napagnilayan.

Ang iyong pagpapakita ang isa sa mga pinakamakabuluhang regalo para sa ikalabingwalong taong kaarawan ko. Hindi ako naghahangad ng mas malaki pang bagay, hindi ko na hinihingi pa na maging engrande ito. Ang makita kang muli mula sa ilang buwang tigang ako sa pagmamahal ng isang nanay ay sapat na. Nakasipat muli ako ng liwanag, nakadama muli ako ng init ng iyong pagmamahal, at pagiging tigang mo rin sa pakikipagdaupang-palad sa akin.

Ang iyong pagpapakita ay kakikitaan ng lakas ng loob- akin itong kinakailangan ngayon. Kailangan ko ng gabay, ng taong magpapalakas ng loob na suungin ang mga unos ng buhay, kahit tayo pa man ay magkakahiwalay, tuloy pa rin ang pagbabanyuhay. Naiyak ako kanina, sa magkahalong saya at lungkot, sa magkahalong eureka at pangungulila, muli, magkakahiwalay tayo ng landas.

Akin kong pakatatandaan ang mga simpleng bilin mo sa akin, aking aalalahanin ang mga katagang binitawan mo, ang mga maiinit na yakap mo na nagbadya ng pangungulila at pagpapangitang-muli. Nalasap ko ang bawat minutong umiyak tayo, hanggang sa humagulgol, at napiglas mo -- kinailangan ko nang pumasok sa huli kong klase.

Sayang, sana nagcut na lang ako, sayang, iyon na lamang ang panahon. Ang mga sandaling iyon ay yamang hindi mapapantayan ng iba pang pinagmumulan ng saya. Ang mga sandaling iyon -- nabuhayan muli ako ng dugo...


Au revoir.

Monday, July 21, 2008

Berde, Kinabukasan?... Pawang 'di makatotohanan...

"Sa buhay, wala namang kulay, kahit berde at puti pa ang iyong kinabibilangan. Ang mahalaga, kung papaano ka naging mahalaga/makabuluhan sa inokupahan mong mga puso at hindi kung saan kang lugar nanggaling. Mapabituin pa ang hugis ng kinabukasan, nasa ating mga mata ang hugis nito... at hindi totoo na nasa kanila ang pag-asa - nasa guhit ng sarili nating mga palad."

Sunday, July 20, 2008

Kongkretong Kagubatan

Dito ako nagkamalay sa pag-aaral ng Edukasyon at sa halos tatlong taong ginugugol ko ang aking mga meyjor na kurso, ito ang napagtanto ko sa Kongkretong Kagubatan...

Ang kultura sa loob ng kongkretong kagubatan ay kakikitaan nang mas lalong kaibhan at mararamdaman mo ang tinatawag na pag-iisa o isolation. Hindi ito ang tipikal na masasabi kong akademya. Ito ay isa lamang lugar na napakataas at hatid nito na makita ang lahat ng kalakaran ng buhay -- sunog, pangamba, karangyaan, kariwasaan, kalayuan sa buhay rural, at pagpapalapit pa sa buhay urban.

Maaaninag mo na parang mga dandruff sa ulo ang pagpatak ng ulan sa ikalabimpitong palapag nito. Ang cold virus naman ay madaling maipapasa dahil nga sa kasikipan ng mundo nitong kongkretong kagubatan -- air borne ika nga. Ang mga halaman ay hindi heliotrophic, at malamang madaling mamatay sapagkat repleksyon lamang ng totoong araw ang pinagmumulan ng init at liwanag ang mga halaman. Nagdudulot pa ito ng kamatayan dulot ng pagkawala ng chlorophyll at proseso ng photosynthesis.

Higit sa lahat, sa Kongkretong Kagubatan ako nagkaroon ng paglasap sa kultura ng institusyon/pamayanang aking kinabibilangan. Nasasanay na akong maging kupal, maging matapobre kung minsan, at pahapyaw na nagiging reklamador sa labas ng kagubatang ito dahil iba nga at minsa'y napakalamig ng klima sa kongkretong kagubatan.

May isang taon pa ako... Sana'y makaalis na ako sa kongkretong kagubatan na ito!

Boses na Ipit ni Pipit

Ang pagkapilipit ng boses na sadyang pinipilit ni Juan dela Cruz sa hirap ng buhay ay sadyang ironiko sapagkat may mga boses na dumaraing pero hindi naman kakikitaan ng katotohanan. Alinsabay pa nito ang mga presyo ng langis at bilihin na animo'y seesaw na hindi mo malaman na mistulang naglalaru-laruan tayo sa sarili nating pamayanan.

Parte na ng ating kamalayan, alam naman nating parati tayong naiipit, nagigipit, at namimilipit tulad ng mga kalamnan natin at bulsang sumasakit. Sa bayan pa rin ni Juan nakikita kung papaano nagiging ipit pa rin itong ibong pipit.

Ironiko ko pa ring nakikita ang karamihan sa mga katoto ni Juan dela Cruz na makita sila sa loob ng Starbucks at umiinom ng kapeng hindi naman yata barako. Kabalintulaan pa rin na bagama't mahal na ang halos lahat ay bulto-bulto pa rin ang stock ng mga tsokolateng banyaga na makikita sa mga pamilihan at binibili at tinatangkilik pa rin ng ating mga kababayan.

Sa tingin mo, totoo pa kaya na sadyang paus-pausan lamang si Juan para lamang sabihin na nasasadlak at nadarapa na tayo sa kahirapan?

Ito'y isa lamang pilit na pag-iipit, mga balikat na ikinikibit lamang...