Tuesday, May 10, 2016

P3

Nung nakita ko yung post ng kakilala ko at nakita ko naroon ka sa larawan, nandito ka pa pala sa Pilipinas. Hindi ako nagpaparamdam. Nahihiya ako na DROPPED ko yung last semester. Nahihiya akong magpakita sa iyo. Nung nakita ko yung larawan oras lang ang nakararaan, sabi ko na mapalad si ___ na part ka pa ng panel niya at nadefend na niya ang kanyang Tesis sa Masterado. Tapos na siya. Pero hindi ako naghahabol na makatapos kaagad. Gusto kitang maging adviser, o kahit critique, o basta nandiyan ka. Akala ko nakamove on na ako na wala ka, pero mas lalo akong nalungkot na anytime aalis ka na. Nasasaktan ako na bakit kasi ako dapat mag-ulit. Dapat nasa ibang yugto na ako. Sobra akong nasasaktan sa nangyari sa akin last semester. Hindi ko makalilimutan iyong pangyayaring iyon sa akin. Hindi ko ito ginusto. Hindi talaga. Namatayan ako ng motibasyong mag-aral. Sa totoo lang, nahihirapan ako. Nanghihinayang ako sa gastusin sa MA, pero wala akong nagawa. Ngayon, mag-isa akong nakikibaka na ayusin ang buhay Masterado. Parang last woman standing na ako sa batch namin-- parang hindi pa babalik si D, mukhang matatapos na si R, at halatang tapos na si M. Parang gusto ko na lang umalis pero gusto kong itaguyod sarili ko mula sa (masakit) na pagkakasablay. Miss na kita. Sobra. Nung nakita ko yung larawan na naroon ka, umiyak talaga ako. Gusto kitang habulin at sabihin na sana kahit ako, ay maging advisee mo sa pinakahuling pagkakataon. Ayaw ko na magkwento ng kahit ano tungkol sa nangyayari ngayon. Dinadaan ko na lang sa dasal na sana matapos na ito. DAPAT matapos ko ito. Nagdarasal ako bawat araw at humuhingi ng balde baldeng pasensya, pang-unawa, at saya. Naaalala kita. Ayaw ko lang tumangis sa harapan mo. Kung magkita man tayo, baka humagulgol na lang ako. Ang sakit. Baka hindi ko lang matanggap na ganito ang nangyari sa akin na hindi ko maipaliwanag kay Mama kung papaano kadeteriorating ito para sa akin. Gusto kong umiyak, magwala, maghanap ng yayakap sa akin, kasi hindi pa ako nakamove on talaga. Dinaig ko ang naglalamay at nagluluksa, pero ito talaga ang nararamdaman ko. Hinihila ko sarili ko na matapos ito. Hindi sa hindi ko gusto ang ginagawa ko pero hindi ko matanggap ang kinahinatnan ng pagbagsak ko. Yung hindi ko nais mangyari ay nangyari for the second time. Alam kong paulit-ulit na ang sinasabi ko rito, pero sana may pagkakataon na bigla tayong magkitang muli, parang dati, nung nagbagsak ako ng huling baraha sa opisina ng Dekano. Hayaan niyo po, kahit nag-iisa akong itinataguyod ito, magpapalakas ako ng loob para sa iyo. Tatapusin ko ito. Sana matapos ko ito. Ipagdasal niyo po ako. Miss ko na po kayo.

Wednesday, November 4, 2015

Patuloy sa Pananaghoy...

Dinaig ng breakup ang hindi ko na pagpasok sa Unibersidad... Sinasamantala ko ang maagang pagtulog ni Mama para maaga ko ring maipahayag ang aking pananaghoy. Hindi ko matanggap ang ganitong kinahinatnan. Ayaw kong marinig ng iba ang aking mga hikbi. Ayaw kong marinig ang bawat pagsinga sa tuwing dadaloy ang mga luha. Ayaw ko ng ganitong pakiramdam. Handa akong ialay ang gabi sa bawat pagtangis. Nalulungkot ako dahil hindi na muna ako papasok sa Unibersidad. Nalulungkot ako dahil aminado akong doon ako masaya-- sa tuwing makikita ko ang paborito kong prof, ang mga naging kaklase ko, ang mga naging kaibigan ko, ang hirap ng pag-aaral, ang sulit na hirap sa pag-aaral. Bakit ngayon pa nangyari ang lahat ng ito? Bakit kung kailan kahuli-hulihan na? Ayaw ko ng pakiramdam. Pakiramdam ko nawala sa akin ang isa sa mga bagay na nakapagpapasaya sa akin. Masaya akong nag-aaral kahit mahirap, kahit minsan iniiyakan ko ang hirap ng pag-aaral at pagsabayin ito sa ibang bagay. Kahit pagod ako, kahit naaantok ako, kahit halos ang gastos ko ay noong mga panahong nag-aaral ako, wala akong pakialam basta masaya ako, okay lang. Oo, sabihin na nating ang kasiyahan ay nasa sa atin, pero hindi ba pwedeng ang kasiyahan ko rin ay nasa mga bagay na gustung-gusti kong gawin? Sa Unibersidad lang ako nakakahanap ng katiwasayan, ng kalayaan, ng posibleng taong makakausap kahit minsan nakakainis dahil ang straightforward masyado. Namimiss kong pumasok ng 5:30-8:30 p.m. Bakit hindi ko natapos? Bakit ako nagkaganito? Bakit ngayon pa kung kailan huli at patapos na? Pasensya na talaga; hindi ko talaga matanggap na hindi na ako pumapasok ngayong semestre sa Unibersidad. Bakit ang daming naging problema ngayon? Lahat ba ng ginawa ko mali? Bakit ba kasi pinabayaan ko ang sarili ko? Bakit ba ang engot engot ko? Bakit ang bigat sa loob ng pangyayaring ito? Akala ko, after ng last day of sembreak ko, okay na ako, hindi pa pala. Gusto kong kausapin si Teach. Gusto ko lang lumayo at umiyak. Gusto kong umiyak at sabihin ang mga nasa loob ko, at mayakap. Mayakap nang mahigpit. Mahigpit. Yung may pagmamahal at pang-unawa. Kapag may problema sa bahay at trabaho, sa Unibersidad ko naipahahayag ang aking kasiyahan, kahit na mahirap. Ngayon, pati ang Unibersidad, wala na sa akin ngayon...

Sunday, October 18, 2015

Sa aso naming si Chuchay

Dear Chuchay, Pasensya ka na at hindi ka namin nabigyan ng maayos na himlayan tulad ng ibang aso. Nalulungkot pa rin ako sa pagkawala mo. Hindi ko man lang nabigyan ng hustisya 'yung sayang idinulot mo sa akin, sa amin. Namimiss na kita; ilang araw palang na hindi ka na namin kapiling. Humihingi ako ng patawad dahil ang unfair namin. Napakinabangan ka lang namin sa mga panahong kailangang magbantay ka ng bahay kasama si Cassandra sa kabilang bahay at lalo na kapag hindi na ako makagawa ng lesson plans, pinupuntahan kita at nariyan ka para sa akin. Naging malungkot ang mga nakaraang buwan para sa akin. Isa ka sa mga hindi nang-iwan, Chuchay. Ang saya-saya ko kapag umuuwi ako at ikaw ang nakatanghod sa kabilang bahay at sinasalubong mo ako. Ang init ng iyong dila kapag ikaw ay naglalambing, yung puti ng balahibo mo, ang iyong pagsalubong sa kalye, ang iyong mga tingin-- iyan ang mas nakakapagpapaalala sa akin kung gaano mo kami minahal, Chuchay. Habang tinitipa ko ito ay hindi mapigil ang aking pagluha dahil sa iyong sinapit-- nagkasakit ka, namula ang kabuuan ng iyong ilong at bibig, at habang ako ay nagseseiplyo noong ika-15 ng Oktubre, iba na ang iyong paghinga-- hindi na ito katulad ng isang alon na nagbibigay sa akin ng kapayapaan. Kita ko ang iyong likod na mabilis na ang iyong paghinga at dama kong iyon na ang huli nating pagkikita. Mabuti na lamang at naibulalas ko pa, nung kauuwi ko na mahal na mahal kita, Chuchay... Naaawa ako sa iyo, Chuchay, kasi hindi makatarungan ang iyong pagpanaw at ang paraan kung paano ka nila hindi binigyan nang maayos na pahingahan. Hindi ko malilimutan ang isang taon at sampung araw na pamamalagi mo, Chuchay. Sa iyo ako natuto na talagang mapagmahal ang mga aso dahil sa tanang buhay ko, hindi ko aakalaing mapapamahal ako sa iyo nang lubusan. Di ko sukat akalain na ganoon rin ang pagmamahal ko sa iyo. Hindi ka man nagbabasa ng blog, pero sana maramdaman mo diyan sa iyong kinalalagyan ang aking pananaghoy sa iyo, na labis kong binabalikan noong panahon na takot pa ako sa iyo at noong matuto na akong makipag-ugnayan sa aso na tulad mo. Nais kong malaman mo na mahal na mahal kita. Namimiss ko na na kapag piniritong manok ang ulam ay kalahati lamang ng isang parte ang aking kakainin (di gaya ng dati na isang parte at higit pa ang nakakain) at lalagyan ko pa ng gravy sa lalagyan mo para parehas tayong makakain ng paborito nating ulam. Kapag nagogrocery, palagi akong naglalagak ng dog food dahil alam kong gustung-gusto mo ito. Hindi ako pumipili ng hindi legit na dog food; kaya, naiinis ako sa totoo mong amo na baka napakainan ka ng hindi legit na dog food. Salamat, Chuchay, dahil noong ilang buwan na may problema ako, kahit hindi kita kausapin ukol sa problema ko, nandiyan ka kapag tinatawag kita. Natutuwa ako sa mga mata mong nagungusap kapag ako ay dumarating na at tumatayo ka bigla at inaamoy mo ang bag ko kung sakaling may dala akong pagkain. Salamat, Chuchay, dahil sa mga panahong kailangan ko ng saya, nariyan ka. Nagagalit ka sa akin kapag niloloko kita, at naghihintay ka sa akin lalo na kahit gabi na ako dumarating. Miss na kita, Chuchay. Baka matagalan pa bago ako umusad sa pakiramdam na ito na wala ka na. Hinahanap ka rin ni Cassandra. Tahol siya ng tahol. Ayaw kong mangyari kay Cassandra ang nangyari sa iyo. Sana bantayan mo rin kami gaya ng pagbabantay mo sa amin habang ikaw ay nabubuhay pa. At sana, 'pag dumating ang panahon na magkikita tayong muli, sana salubungin mo ako, alalahanin mo ako. Magkikita tayo sa tamang at takdang panahon tulad ng dati, at hindi na tayo maghihiwalay pang muli. Gaya ng aking nabanggit bago ang iyong pagpanaw, muli kong uulitin, "Mahal na mahal kita, Chuchay. Maraming salamat bebe ko..."

Wednesday, September 30, 2015

Nananaghoy...

Nitong mga nakaraang buwan, kung kani-kanino ako nakikipag-usap-- humihingi ng habag, ng pasensya, ng pang-unawa, ng saya, ng yakap, ng mga pangaral... Hindi ko na kaya ang nararamdaman ko. Ilang linggo at buwan na akong tuliro, hindi makatulog, lutang, at pinipilit na baguhin ang takbo ng aking pag-iisip at nararamdaman. Pilit kong ibinabangon ang aking sarili para sa ibang tao. Isa sa pinakamasakit na naranasan ko ang hindi matanggap sa Fulbright ILEP para sa taong 2016. Marahil nga hindi para sa akin iyon. Pilit kong iniisip na may mas maganda pang oportunidad para sa akin. Ikalawa, ikatlo, at magpasahanggang ngayon ay ang kaguluhang nangyayari sa kapaligiran. Hindi ko lubos maisip na hindi ako makakasama sa programang iyon para lamang sa malaking sakripisyo na alam ko para sa mas ikabubuti ng lahat. Oo, kahit na alam kong hindi ako nauunawaan sa lahat ng aking mga pagkakabagabag. Kahit na minsan wala namang pakialam ang mga tao sa akin. Ang kailangan nila ay marunong akong magtrabaho. Utak lang naman ang kailangan nila sa akin... Madaya lang minsan kung iisipin na nariyan ka para sa isang tao na malungkot at kailangan ng karamay, ng makakausap, pero bakit ako naman ang nasa sitwasyon gusto ko nang magpatiwakal ay hindi pa rin dumarating 'yong taong 'yon para damayan man lang ako? Bakit mistulang wala ka ngayong kailangan ko ng taong magpapakalma sa akin sa panahon ng aking pagkakabagabag? Bakit wala akong naririnig mula sa iyo? Bakit ganoon? Alam kong bukod sa mangilan-ngilan, kahit hindi kita magulang, maiintindihan mo ako. Kailangan kita; bakit naman ngayon ay wala ka? Sana hindi pa huli ang lahat. Ayaw ko nang magtrabaho sa susunod na taon. Gusto ko nang umalis sa kinatitirikan ko ngayon at huwag nang bumalik. Kahit ang sarili kong pamilya ay hindi man lang ako madamayan. Kahit pumirme na lang ako sa kalye ay pipiliin ko 'wag lang ako bumalik sa ganitong kinalalagyan. Bakit ako magsasakripisyo kung ang habol lang naman sa akin ay panustos sa kanilang pangangailangan? Hindi man lang nila ako makumusta. Hindi mo man lang ako makumusta. Baka sa susunod na balakin mong magkita, wala na ako. Hindi na tayo magkikita muli. Ayaw ko na ng gulo. Ayaw ko ang nangyayari sa akin ngayon. Ano kaya ang mangyayari kapag wala na ako sa inyong mga paningin? Iiyak ba kayo? Sisisihin ninyo ba ang inyong mga sarili dahil huli na ang lahat? Na huli na para isalba ang nangungulilang tao? Na sana ay may nagawa kayo para hindi ko gagawin ang gawaing matagal nang nakapunla sa aking isipan? Marahil hindi na tayo magkikita, at ipinahahayag ko ang aking pagkadismaya 'pagkat hindi ka naging karamay sa mga panahong matindi ang aking pananaghoy. Salamat sa lahat lahat. Sa lahat ng umunawa sa akin, maraming salamat. Sa iyo, rin, kung sino ka man. Pasensya na. Hindi ko na alam ang gagawin ko...

Friday, June 26, 2015

Hindi nagkatagpo

Sa hindi mawaring kadahilanan ay nagising na ako. Nakatulog na ako mula sa pagpaplano, pero heto bigla akong nagising at naalala ko na gawin ito. Nakakatawa pero dapat nahihimbing ako sa pagtulog, gaya ng dati. Alam kong madalas mong sinasabi na miss (na miss) mo na ako. Vocal ka naman pagdating sa mga bagay na naibulalas mo ang iyong damdamin ukol sa iba't ibang bagay. Oo naman. Hindi ko rin lubos maisip na biglang tanggalin ang komunikasyon natin sa isa't isa di tulad ng mga nakaraang taon, siguro, dalawang taon na ang nakalilipas nang pinutol ko ang ating ugnayan. Pasensya ka na. (Malabo namang mabasa mo ito at malaman na ikaw ang tinutukoy ko rito.) Nang marinig ko noong isa sa mga araw ngayong buwan na masama ang loob mo (kahit pabiro mo pang sinabi) dahil kahit anong yakag mo ay hindi ko pinauunlakan ang iyong paanyaya. Hindi ko rin masabi na nung nakalimutan mo ang pangako mo sa akin matapos ang iyong kaarawan (dati), ganoon rin ang naging pakiramdam ko sa iyo. Pasensya ka na; nais ko sanang ibahin na ang landasin ng mga bagay-bagay-- detachment baga. May mga saloobin akong nais sabihin, ngunit hindi ikaw ang tamang tao para sabihan ko ng mga iyon. Gusto man kita takbuhan para sabihin ang mga iyon, pero pinipilit kong huwag ko na lang sabihin sa iyo, hindi dahil sa ayaw ko, siguro, mas pipiliin ko na lang na manahimik at/o sa ibang tao ko na lang sabihin ang mga nais kong sabihin. Pasensya ka na kung biglang naiba ang pakikipag-ugnayan ko sa iyo. Hindi ko na pinipiling magsabi sa iyo ng aking mga hinaing, lalo pa't may kinalaman sa taong malapit sa iyo ang mga gusto kong sabihin na saloobin. Ayaw kong malaman mo kung gaano ako nasaktan ng taong iyon at paanong nadudurog ang puso na alam ko ang katotohanang hindi ko pwede sabihin sa iyo kung bakit ako nagkakaganito. Bumabangon na ako mula sa ilang taon na pagkamatay ng aking sarili, ng aking kaluluwa. Hindi ko lubos maisip kung paano nga ba ako bumabangon mula sa matinding pagkadarapa. Bumabangon ako kahit na patuloy pa rin ang taong iyon sa pagpapahirap sa ibang tao, sa amin. Isa itong malaking physical, mental, at emotional torture na tinatago ko sa iyo magpasahanggang ngayon kung gaano ako nasaktan ng taong malapit sa iyo. Gusto ko namnamin at sabihin sa iyo ang mga salitang tinitipa ko ngayon para malaman mo kung bakit naging ganito ang pakikitungo ko sa iyo. Pakiramdam ko, iiwas at iiwas rin ako sa usapin ng nananaig na tunggaliang nararamdaman ko sa aking sarili. Ayaw kitang masaktan at alam kong sasabihan mo na naman ako na masama ang loob mo dahil hindi kita sinasagot kung "Kumusta" na nga ba ako at kung bakit hindi ko na pinansin/ inasikaso ang mensahe mo ukol sa pagreformat ng hard drive mo at ang balak mong pagpapalit ng laptop kung magkagayong ang pagpapareformat ay hindi mapunta sa pagsasaayos ng kasalukuyan mong laptop. Siguro nga duwag ako at dito ko na lang nasabi ang mga nais kong sabihin sa iyo, pero ito lamang ang paraan para mapanatag na ang aking kalooban. Nagkahiwalay na rin naman tayo sa pisikal na aspekto dahil magkaiba na ang ating mundong gingalawan. Bihira ka na rin naman pumupunta sa dimensyon namin. Sabi ng isang taong nais kang kausapin gamit ang telepono, tinanong niya ako, "O, tatawagan ko si ..., may sasabihin ka ba sa kanya?" Bigla kong tugon, "Wala akong sasabihin sa kanya sa ngayon". Mukhang pagkatapos kong tipahin ang huling salita ng blog na ito ay patuloy na akong mananahimik at hindi na magpaparamdam ngayon kahit may tsansang magkita tayo. Patuloy pa ring tikom ang aking bibig kapag tinatanong mo ako kung kumusta ba ako at ano ang aking pinagkakaabalahan. Pasensya ka na. Pasensya ka na.