Tuesday, July 22, 2008

Aalis ka Muli Kaibigan...

Hulyo 22, 2008

Ang isa sa mga pinakamasaya at pinakamalungkot na araw.



Parang isang talulot ng sampaguita ang halimuyak ng iyong pagdating -- naghahatid saya sapagkat muli ay nakita na naman kita.

Parang talulot rin ng sampaguita na ika'y aking pipitasin at lumao'y mawawala sa aking tabi -- mawawala na naman ang halimuyak ng buhay.

Isa ka sa mga halimuyak ng buhay ko. Isa ka sa mga taong nakapagbibigay-saya sa magulo kong mundo. Isa ka sa mga pinakamahalagang tao sa buhay ko. Nawawalan ako minsan ng pag-asa sa iyong pag-alis, pero hindi ako binigo ng iyong lakas ng loob na mapatunayang ang halimuyak mo pa rin ay nariyan.

Nagbahagi tayo ng ating mga luha ngayon, nakita ko ang bilis ng pagpatak ng iyong mga luha sa lupa, hindi ko man batid ang bigat ng iyong mga luha, naramdaman ko ang bigat ng aking puso na muli ay maghihiwalay na naman tayo. Aaminin ko, malungkot na naman ako. Patay na naman ang daloy ng aking buhay -- pansamandali.

Ngunit ang huling pagkikita natin ngayon, nagbigay sa akin ng kahulugan, sa pormal mong pagpapaalam, ngayon mo na naisakatuparan na baka hindi ka na bumalik muli, pero nariyan pa rin ang kasiguraduhan ng iyong presensya, pitong bundok mula rito. Bukas, ika'y aalis, babagtasin muli ang kinabukasang mga palad mo ang naging susi. Hahayo ka't mangingibang-bayan, akin itong nauunawaan, akin itong napagnilayan.

Ang iyong pagpapakita ang isa sa mga pinakamakabuluhang regalo para sa ikalabingwalong taong kaarawan ko. Hindi ako naghahangad ng mas malaki pang bagay, hindi ko na hinihingi pa na maging engrande ito. Ang makita kang muli mula sa ilang buwang tigang ako sa pagmamahal ng isang nanay ay sapat na. Nakasipat muli ako ng liwanag, nakadama muli ako ng init ng iyong pagmamahal, at pagiging tigang mo rin sa pakikipagdaupang-palad sa akin.

Ang iyong pagpapakita ay kakikitaan ng lakas ng loob- akin itong kinakailangan ngayon. Kailangan ko ng gabay, ng taong magpapalakas ng loob na suungin ang mga unos ng buhay, kahit tayo pa man ay magkakahiwalay, tuloy pa rin ang pagbabanyuhay. Naiyak ako kanina, sa magkahalong saya at lungkot, sa magkahalong eureka at pangungulila, muli, magkakahiwalay tayo ng landas.

Akin kong pakatatandaan ang mga simpleng bilin mo sa akin, aking aalalahanin ang mga katagang binitawan mo, ang mga maiinit na yakap mo na nagbadya ng pangungulila at pagpapangitang-muli. Nalasap ko ang bawat minutong umiyak tayo, hanggang sa humagulgol, at napiglas mo -- kinailangan ko nang pumasok sa huli kong klase.

Sayang, sana nagcut na lang ako, sayang, iyon na lamang ang panahon. Ang mga sandaling iyon ay yamang hindi mapapantayan ng iba pang pinagmumulan ng saya. Ang mga sandaling iyon -- nabuhayan muli ako ng dugo...


Au revoir.

No comments: