Tuesday, January 20, 2009

Inlababo...

Ito ang depinisyon ko kapag inlab ako pero mukhang malabo= inlababo. Minsan kasi hindi malirip ng aking isip kung gaano ba dapat kabilis tumibok ang puso ko para masabi na mahal ko nga "siya" o "sila" o "siya" na lang pala. Hindi maipaliwanag ng Haynayan (salamat Kuya R.) ang bayolohikal, sikolohikal at emosyonal na mga aspekto pagdating dito. Hindi rin masasabi ng Love Test kung tunay nga bang "iyon" na ang nararamdaman ko.

Para itong isang talulot ng sampaguita na halos o muntikan nang mahulog sa kinalalagyan nitong bulaklak, ngunit, alangan sa paningin ng tao kung ito ba ay tuluyan nang malalaglag o hindi- na hindi ko alam kung tuluyan bang hahalik ang talulot na ito sa lupang nais nitong katirikan. Kung mahulog man ito ay may isa pang opsyon: ang mahulog sa kamay ng taong nagnanais maamoy ang halimuyak hindi lamang ng bulaklak kung hindi ng talulot, ang talulot na ubod ng kadalisayan at ibayong ingat ang kinakailangan upang mapanatili rin ang yumi nito.

Sana ganoon din ang paghawak "niya" sa puso ko. (O umaasa na lang ba ako na maging ganoon?)

No comments: