Friday, August 1, 2008

Paano ba maging masaya?

Napagtanto ko na samu't saring mga surpresa ang hatid ng mga nagdaang araw bago, habang, at patapos ang aking kaarawan.

Hayaang isipi ko ang sinabi ng kinakapatid kong si Ate Trish (tinanong ko siya kung nag-enjoy siya sa maliit na salu-salo namin), "Oo naman. I have now learned to appreciate even the simple things like this."

Ako rin. Natuto akong magpahalaga sa mga simpleng bagay na nagbibigay o naghahatid sa akin ng kasiyahan. I am in the state of bliss this past few days at alam ko na alam ni Bathala kung papaano ako naging masaya.

Paano nga ba?

Isa lang ang masasabi ko. Masarap sa pakiramdam na naaalala ka ng mga taong malapit sa iyo. Naaalala ka sa mga oras na masaya at malungkot. Sa mga luha at sakit na nararamdaman mo, iniibsan nila ang pakiramdam.

Doon ko napatunayan sa kaarawan ko na ang gaan sa pakiramdam, waring nagtipon ang mga taong mahalaga sa akin. Hindi ko rin akalaing magiging mabusisi sila Mama sa paghahanda. Hindi ko naipaliwanag ang totoong nararamdaman ko halos busog ako sa tuwang naramdaman ko.

Paano maging masaya? Simple lang, dumaloy sa agos ng buhay, mahirap man o hindi. Tanggapin kung ano mang kahihinatnan, 'wag umasa at darating ang kasiyahan. Aminado ako, hindi talaga ako naghangad sa kaarawan ko ng materyal na bagay, kahit sa mga kaibigan, tinanong lang nila ako kung ano ang gusto ko pero ang sabi ko eh ang dumalo sila sa kaarawan ko. Masaya ako at dumalo sila. Hindi ko naman din inaasahan na paghahandaan rin ako ng mga English majors at ng malalapit na kaibigan. Pinaghandaan nila ito ng husto. Nagmistulang binuhusan ako ng tubig na wari akala ko ay panaginip lamang. Nasiyahan ako sa mga pangyayari.

Ikalawa, ang matutong magpakahulugan sa mga simpleng bagay. Tama si Ate Trish. Hindi ko kailangan ng enggrande o pabulosong handaan para lamang maisakatuparan ang nais kong mangyari. Wala namang batas na nagsasabi na maging enggrande ang iyong ikalabimwalong kaarawan, pero, subalit, datapwat, binigyan ng kulay ng mga taong malalapit sa akin ang ordinaryong araw na ito. Sa simpleng bagay nag-uumpisa ang malaki at makabuluhang bagay. Sa mga bagay na ito ako natutututo na maging masaya na hindi kaakibat ng mga materyal na bagay. Dito ko napagtatanto kung gaano ako kamahal ng mga magulang ako, at kung sa papaanong pamamaraan nila ako napapahalagahan. Kung may mga bagay man na minsan ay ikinatampo ko sa mga magulang ko, nagsisisi ako kung bakit minsan ganoon ang trato ko sa kanila. Nagbago ang lahat hindi lamang sa dahil pinaghanda nila ako sa aking kaarawan, pero nakita ko ang kalaliman ng pagmamahal nila sa akin.

Ikatlo, damhin ang pagmamahal sa mga simpleng bagay na ito upang madama ang mas malalim na depinisyon ng kasiyahan. Dahil na rin sa nagiging matindi ang pangangailangan ng tao upang mabuhay at magpabuhay, naisip ko na dahilan ito upang maging mababaw ang kailgayahan ng tao. Iba ang kasiyahan sa simpleng masaya lamang. Parehong abstrak ang mga ideya ngunit ang lalim o ang digri ng kalaliman ay masasabing kakaiba. Ang kasiyahan ay matatagpuan sa kaibuturan ng puso, na hindi idinidikta sa iyo ng iyong isip na masaya ka dahil ganito ang dapat ikasiya mo. Hindi. Idinidikta iyan ng nais mangyari sa iyo ng eksternal na salik -- ang pangungulila mo sa mga malalapit mong kaibigan, ang pagnanais na maging kumpleto ang iyong pagkatao, at iba pang mas malalim na abstrak na kadahilanan. Sa akin, kung iisipin, hindi nga ako naghangad ng kahit ano, ngunit kusang dumarating ang mga bagay na alam ni Bathala na ikasisiya ko, na ikalulugod ko, at alam Niyang para sa akin. Upang maging masaya, bukod sa pagpapahalaga, hanapin ang kalaliman ng pagmamahal sa mga bagay na nagdudulot sa iyo ng saya. Hindi kailanman masasabing dahil lang sa mahal mo ang mga bagay na nasa iyo eh ganoon na rin ang impak sa kasiyahan mo, depende pa rin yan sa kung papaano ka magpahalaga. Eh kung mababaw pagpapahalaga mo, hindi mo nakikita ang mas nais pang iparating sa iyo.

Panghuli, para maging masaya, ialay mo sa iba kung ano ang natatanggap mo. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon, ngunit, ibahagi sa iba ang saya na nararamdaman mo kahit na minsan ay may malungkot pa rin, hindi sa kapamaraanang mang-iinggit ka kasi masaya ka. Masarap ang magbahagi ng saya at tuwa lalo na kung alam mo kung magiging masaya rin sila. Masarap magpasaya ng tao, magbigay rin ng surpresa, at makipaghuntahan sa buhay-buhay. Ang mundo ay maliit lamang at maraming beses na maaaring magkita kayo ng parehas na nilalang. Masarap magbahagi ng saya, at paulit-ulit ko na itong nararanasan bagama't iba't ibang level ng kasiyahan.


Ang kasiyahan ay hindi isang pilit na reaksyon. Hindi rin ito basta lamang magkaroon ng ngiti sa iyong mga labi, kung hindi mananaig ang nararamdaman na talagang masaya ka. Kung gusto mong sumaya, 'wag ka lang tumawa ng literal, pati puso mo at kaluluwa, pasayahin mo rin. ;)

No comments: