Sunday, October 18, 2015

Sa aso naming si Chuchay

Dear Chuchay, Pasensya ka na at hindi ka namin nabigyan ng maayos na himlayan tulad ng ibang aso. Nalulungkot pa rin ako sa pagkawala mo. Hindi ko man lang nabigyan ng hustisya 'yung sayang idinulot mo sa akin, sa amin. Namimiss na kita; ilang araw palang na hindi ka na namin kapiling. Humihingi ako ng patawad dahil ang unfair namin. Napakinabangan ka lang namin sa mga panahong kailangang magbantay ka ng bahay kasama si Cassandra sa kabilang bahay at lalo na kapag hindi na ako makagawa ng lesson plans, pinupuntahan kita at nariyan ka para sa akin. Naging malungkot ang mga nakaraang buwan para sa akin. Isa ka sa mga hindi nang-iwan, Chuchay. Ang saya-saya ko kapag umuuwi ako at ikaw ang nakatanghod sa kabilang bahay at sinasalubong mo ako. Ang init ng iyong dila kapag ikaw ay naglalambing, yung puti ng balahibo mo, ang iyong pagsalubong sa kalye, ang iyong mga tingin-- iyan ang mas nakakapagpapaalala sa akin kung gaano mo kami minahal, Chuchay. Habang tinitipa ko ito ay hindi mapigil ang aking pagluha dahil sa iyong sinapit-- nagkasakit ka, namula ang kabuuan ng iyong ilong at bibig, at habang ako ay nagseseiplyo noong ika-15 ng Oktubre, iba na ang iyong paghinga-- hindi na ito katulad ng isang alon na nagbibigay sa akin ng kapayapaan. Kita ko ang iyong likod na mabilis na ang iyong paghinga at dama kong iyon na ang huli nating pagkikita. Mabuti na lamang at naibulalas ko pa, nung kauuwi ko na mahal na mahal kita, Chuchay... Naaawa ako sa iyo, Chuchay, kasi hindi makatarungan ang iyong pagpanaw at ang paraan kung paano ka nila hindi binigyan nang maayos na pahingahan. Hindi ko malilimutan ang isang taon at sampung araw na pamamalagi mo, Chuchay. Sa iyo ako natuto na talagang mapagmahal ang mga aso dahil sa tanang buhay ko, hindi ko aakalaing mapapamahal ako sa iyo nang lubusan. Di ko sukat akalain na ganoon rin ang pagmamahal ko sa iyo. Hindi ka man nagbabasa ng blog, pero sana maramdaman mo diyan sa iyong kinalalagyan ang aking pananaghoy sa iyo, na labis kong binabalikan noong panahon na takot pa ako sa iyo at noong matuto na akong makipag-ugnayan sa aso na tulad mo. Nais kong malaman mo na mahal na mahal kita. Namimiss ko na na kapag piniritong manok ang ulam ay kalahati lamang ng isang parte ang aking kakainin (di gaya ng dati na isang parte at higit pa ang nakakain) at lalagyan ko pa ng gravy sa lalagyan mo para parehas tayong makakain ng paborito nating ulam. Kapag nagogrocery, palagi akong naglalagak ng dog food dahil alam kong gustung-gusto mo ito. Hindi ako pumipili ng hindi legit na dog food; kaya, naiinis ako sa totoo mong amo na baka napakainan ka ng hindi legit na dog food. Salamat, Chuchay, dahil noong ilang buwan na may problema ako, kahit hindi kita kausapin ukol sa problema ko, nandiyan ka kapag tinatawag kita. Natutuwa ako sa mga mata mong nagungusap kapag ako ay dumarating na at tumatayo ka bigla at inaamoy mo ang bag ko kung sakaling may dala akong pagkain. Salamat, Chuchay, dahil sa mga panahong kailangan ko ng saya, nariyan ka. Nagagalit ka sa akin kapag niloloko kita, at naghihintay ka sa akin lalo na kahit gabi na ako dumarating. Miss na kita, Chuchay. Baka matagalan pa bago ako umusad sa pakiramdam na ito na wala ka na. Hinahanap ka rin ni Cassandra. Tahol siya ng tahol. Ayaw kong mangyari kay Cassandra ang nangyari sa iyo. Sana bantayan mo rin kami gaya ng pagbabantay mo sa amin habang ikaw ay nabubuhay pa. At sana, 'pag dumating ang panahon na magkikita tayong muli, sana salubungin mo ako, alalahanin mo ako. Magkikita tayo sa tamang at takdang panahon tulad ng dati, at hindi na tayo maghihiwalay pang muli. Gaya ng aking nabanggit bago ang iyong pagpanaw, muli kong uulitin, "Mahal na mahal kita, Chuchay. Maraming salamat bebe ko..."

No comments: