Friday, June 26, 2015
Hindi nagkatagpo
Sa hindi mawaring kadahilanan ay nagising na ako. Nakatulog na ako mula sa pagpaplano, pero heto bigla akong nagising at naalala ko na gawin ito. Nakakatawa pero dapat nahihimbing ako sa pagtulog, gaya ng dati.
Alam kong madalas mong sinasabi na miss (na miss) mo na ako. Vocal ka naman pagdating sa mga bagay na naibulalas mo ang iyong damdamin ukol sa iba't ibang bagay. Oo naman. Hindi ko rin lubos maisip na biglang tanggalin ang komunikasyon natin sa isa't isa di tulad ng mga nakaraang taon, siguro, dalawang taon na ang nakalilipas nang pinutol ko ang ating ugnayan.
Pasensya ka na. (Malabo namang mabasa mo ito at malaman na ikaw ang tinutukoy ko rito.) Nang marinig ko noong isa sa mga araw ngayong buwan na masama ang loob mo (kahit pabiro mo pang sinabi) dahil kahit anong yakag mo ay hindi ko pinauunlakan ang iyong paanyaya. Hindi ko rin masabi na nung nakalimutan mo ang pangako mo sa akin matapos ang iyong kaarawan (dati), ganoon rin ang naging pakiramdam ko sa iyo.
Pasensya ka na; nais ko sanang ibahin na ang landasin ng mga bagay-bagay-- detachment baga. May mga saloobin akong nais sabihin, ngunit hindi ikaw ang tamang tao para sabihan ko ng mga iyon. Gusto man kita takbuhan para sabihin ang mga iyon, pero pinipilit kong huwag ko na lang sabihin sa iyo, hindi dahil sa ayaw ko, siguro, mas pipiliin ko na lang na manahimik at/o sa ibang tao ko na lang sabihin ang mga nais kong sabihin.
Pasensya ka na kung biglang naiba ang pakikipag-ugnayan ko sa iyo. Hindi ko na pinipiling magsabi sa iyo ng aking mga hinaing, lalo pa't may kinalaman sa taong malapit sa iyo ang mga gusto kong sabihin na saloobin. Ayaw kong malaman mo kung gaano ako nasaktan ng taong iyon at paanong nadudurog ang puso na alam ko ang katotohanang hindi ko pwede sabihin sa iyo kung bakit ako nagkakaganito.
Bumabangon na ako mula sa ilang taon na pagkamatay ng aking sarili, ng aking kaluluwa. Hindi ko lubos maisip kung paano nga ba ako bumabangon mula sa matinding pagkadarapa. Bumabangon ako kahit na patuloy pa rin ang taong iyon sa pagpapahirap sa ibang tao, sa amin. Isa itong malaking physical, mental, at emotional torture na tinatago ko sa iyo magpasahanggang ngayon kung gaano ako nasaktan ng taong malapit sa iyo.
Gusto ko namnamin at sabihin sa iyo ang mga salitang tinitipa ko ngayon para malaman mo kung bakit naging ganito ang pakikitungo ko sa iyo. Pakiramdam ko, iiwas at iiwas rin ako sa usapin ng nananaig na tunggaliang nararamdaman ko sa aking sarili. Ayaw kitang masaktan at alam kong sasabihan mo na naman ako na masama ang loob mo dahil hindi kita sinasagot kung "Kumusta" na nga ba ako at kung bakit hindi ko na pinansin/ inasikaso ang mensahe mo ukol sa pagreformat ng hard drive mo at ang balak mong pagpapalit ng laptop kung magkagayong ang pagpapareformat ay hindi mapunta sa pagsasaayos ng kasalukuyan mong laptop.
Siguro nga duwag ako at dito ko na lang nasabi ang mga nais kong sabihin sa iyo, pero ito lamang ang paraan para mapanatag na ang aking kalooban. Nagkahiwalay na rin naman tayo sa pisikal na aspekto dahil magkaiba na ang ating mundong gingalawan. Bihira ka na rin naman pumupunta sa dimensyon namin. Sabi ng isang taong nais kang kausapin gamit ang telepono, tinanong niya ako, "O, tatawagan ko si ..., may sasabihin ka ba sa kanya?" Bigla kong tugon, "Wala akong sasabihin sa kanya sa ngayon". Mukhang pagkatapos kong tipahin ang huling salita ng blog na ito ay patuloy na akong mananahimik at hindi na magpaparamdam ngayon kahit may tsansang magkita tayo. Patuloy pa ring tikom ang aking bibig kapag tinatanong mo ako kung kumusta ba ako at ano ang aking pinagkakaabalahan.
Pasensya ka na.
Pasensya ka na.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment