Saturday, January 17, 2015
Kay tagal na rin pala...
Marami na ang matagal...
Matagal na kitang kinalimutan, o sabihin kong nalimutan. Time heals all wounds kung baga, kung kaya't marahil pinili kong hindi maghanap, o pinili kong isantabi na lang muna ang usapin ukol sa pag-ibig. Pilit na iniiwasan, pero ganoon talaga.
Matagal na rin itong namuong emosyon sa akin na hindi maganda marahil ukol sa bagay, sa tao, at sa kapangyarihang pumapaimbulog nito. Kung mayroon mang mas kumplikadong masakit ay ang sakit na nararamdaman ng isang tao sa hindi inaasahang pangyayari, o sa tingin niya ay hindi makatarungan at hindi pa naireresolba.
Marahil nga matagal na ang damdaming ito sa iyo o kung kanino pa man. Matagal na rin kasing sarado ang isip mo sa dapat na mangyari. Hindi ka bukas sa mga pagkakataon na baka mamaya eh may maibigay sa iyong tiyak na kapupulutan mo ng aral at higit sa lahat eh pagbabago sa sistemang dumadaloy na sa kahukutan ng iyong utak.
Masakit isipin na lumipas na ang mga taon ay ganyan ka pa rin. Hindi dapat ito kinukunekta sa katotohanang siguro nga malungkot ang buhay mo, pero may mga pagkakataong malungkot rin ako kahit may mga kasama ako sa bahay. Matagal na rin pala simula nang sinaktan mo ako ng mga salitang hinding-hindi ko malilimutan at ang pangyayaring hindi rin kaliligtaan hanggang sa hukay.
Hindi kita malilimutan. Marahil ang mambabasa nito ay sasabihin na kalimutan ko na ang lahat ng iyon, pero hindi ko pa natatamasa ang hustisyang baka sakaling aking malirip at makamit balang araw. 'Di ko alintana ang mga pagkakataong nalulumbay ako kapag may sitwasyong alam kong llamado ako kahit hindi naman kita sinasaktan kahit na sinaktan mo ako. Wala akong balak gawin ang saktan ka tulad ng ginawa mo sa akin. Bukod sa respeto ko sa iyo ay mataas ang respeto ko sa sarili ko-- hinding hindi ko kayang manakit ng ibang tao tulad ng ginawa mo sa akin at sa iba pang mga tao. Hinding-hindi ko kayang isambulat ang kamalian ng iyong kasama sa iba pa tulad ng nakagawian mo. Oo, tama. Nakagawian mo na. Hindi mo ba lubos naisip kung anong sakit ang nadarama ng mga taong nagkamali at sinabi mo pa sa iba? Baka oo, marahil hindi.
Kahit na may daplis pa rin ako ng sugat na patuloy na naghihilom dahil sa iyo, nananatili akong matatag. Hinding-hindi ko hahayaan ang aking sarili na basta lamang lumuhod sa kumunoy ng iyong sistema-- nakakasulasok, nakakapanindig-balahibo, at nakaririmarim.
Siguro nga daplis lang ito kumpara sa mga nangyari sa ibang tao noon, noong hindi mo pa panahon, pero hindi ko sinasabing matuwa ka dahil daplis lang ang ginawa mo sa akin, sa amin. Baka sabihin mo eh wala pa sa kalingkingan ng mga nangyari sa mga tao noon. Huwag mong ikumpara ang sarili mo sa kasulasukan ng kilos at ugali ng kung sino pa man. Huwag ganun.
Darating para sa akin ang nararapat. Hindi man ngayon. Hihintayin ko na ang katotohanang muli akong sasaya at sisigla. Hindi ko isasampal sa iyo ang mga iyon. Hahayaan kitang mapagtanto mo ang lahat ng kamaliang ginawa mo sa akin, sa amin.
Ipinagdarasal ko na sana mabago pa namin ang iyong puso at kakayahang gumawa ng desisyon. Minsan, nadidismaya ako dahil hindi pa rin iyon nangyayari, pero malay namin, balang araw, mangyari iyon.
Pagpalain ka pa rin sana.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment