Wednesday, May 21, 2014

Kagabi/ kahapon/ o kung ano pa man...

As usual, madaling araw na naman akong nakatulog... well, nakauwi rin.
Pagkatapos kong makipag-usap (at siyempre may kainan) ng aking kaibigan ay may I take a bus ride na ako paPhilcoa. Siyempre alas onse na nun so hindi na ako magugulat kung wala ng dyip papasok ng campus.

May nagtanong sa akin, "Ate, ano'ng oras na?" Nung una, nag-aalangan akong lumabas ng cellphone dahil yun lang naman ang pinagtitingnan ko ng oras. Nilabas ko rin naman, mag-aalas onse na po, four minutes na lang. Nagkaroon na siya ng lakas ng loob na magsabi ng nangyari sa kanya matapos niya akong tanungin kung doon nga ba ang papunta ng Bulacan. Sabi ko, pwede naman kung sasakay siya ng Tungko kaso hindi naman siya taga roon (nagsabi lang ako from what I know sa kaibigan ko na taga-Bulacan).

Nasabi niyang hindi siya taga-Tungko at siya ay taga Pandi, Bulacan. In a way, hindi ko siya natulungan sa ganoon aspekto. Pero, gaya nang nabanggit ko kanina, naglakas na siya ng loob na magsabi sa akin ng totoong nangyari sa kanya. Hinding hindi na raw siya babalik ng Maynila dahil sa nangyari. Lumuwas siya ng Maynila dahil may nagrecruit sa kanya para siya ay maging P.A, pero hindi ng artista, pero ng isang maykayang nilalang. Nagpunta sila ng Quezon Memorial Circle tapos doon na nakuha ang kanyang pera at cellphone. nagstay siya sa QC mula May 19-20  at nakita ko siya sa Philcoa. Hindi pa siya kumakain ng mga oras na iyon kaya niyakag ko siya na kumain. Oo, alam ko na mababawasan na naman ang pera ko, pero mas makabubuti na siya ay makakain at makauwi na. Binalak na rin niya tumalon doon sa Philcoa overpass, ayon sa kanya dahil desperado na siya, kaso mas pinili na lang niyang matulog doon sa may Jollibee sa gilid (yung may maiksing hagdan).

Kahit na naglakad na lang ako pabalik ng campus eh okay lang sa akin basta alam kong panatag na siyang makakauwi sa Bulacan at nakakain na siya. Nang pabalik na ako sa dorm, naiiyak ako. Sa isip isip ko, mabuti talaga ang Diyos kasi hindi siya pinabayaan na hindi makauwi sa bahay nila at sa panahong kinailangan niya ng tulog ay may dumating.

Naiiyak ako kasi isa lang naman rin ang gusto ko-- isang yakap lang at masabing okay lang ako at kaya ko 'yan. Siguro, 'wag na lang maghintay. Sapat na nakapagbigay ako ng ngiti sa ibang tao.

No comments: