Tuwing 11:11 ng umaga, palagi kong sinasambit na makakagraduate ako sa Master's. Inaabangan ko talaga ang oras na iyan na hindi ko naman mawari kung bakit kailangang sa ganoong oras ako humiling.
Kahapon, kinatagpo ko ang mentor ko noon sa Alma Mater. Marami pa rin akong balita at sapantahang nakuha mula sa kanya. Natututo pa rin ako kahit na simpleng kwentuhan kasama ang kape ang naging usapan namin. Hindi ko inantala ang pagkabahala ng napipinding pagpasa ng papel sa Martes, dahil sabi ko naman, mas mahalaga na may oras ako para sa mga tao. Nag-usap kami tungkol sa mga balakin ng susunod na panuruang-taon 2014-2015. Tinamad na rin ako dahil alam kong ang gusto ko na lang mangyari eh makapagtapos kahit wala akong Latin Honors.
Nang gabing iyon sa munting surpresa namin para sa isang kaibigan, napag-usapan na naman kung sino ang pwede naming maging gabay, ngunit naninimdim na ang pag-asa kong makapagtapos. Mukhang walang pag-asa na magtatapos pa kasi walang katiyakan kung sino ang gagabay sa kaniya/kanila para sa kaniya/nilang tesis.
Ilang buwan ko nang iniisip kung ano na ang mangyayari sa Masteral ko. Ayaw ko siyang hindi matapos. Siguro nga tama ang sabi ng isa kong kasamahan na hindi ko matatapos ang Masteral dahil sa kawalang-bahala ng ilan sa pakultad ng Unibersidad na pinapasukan ko ngayon. Sa hindi mawaring dahilan, hindi maalis sa isip ko kung makakatapos pa ba ako o hindi na.
Natatakot ako. Nawawalan na rin ako ng pag-asa. Hindi ko masabi sa kahit kanino kung gaano kabigat itong nararamdaman ko. Pinipilit ko na lang kinakalimutan at tinatakbuhan ang ganitong pakiramdam, pero kapag ipinapakita na sa akin ang katotohanan na ito, hindi ko maiwasang lumuha na lang.
Kagabi, pauwi ako lulan ng taxi, tumutulo na lang ang aking mga luha sa pagkakabagabag. Malapit na ang bakasyon. Sa isip ko, bakit hindi ko na lang uli kalimutan ang pananaghoy na ito? Kung sakali, maibsan ang pag-iisip na ito.
Sunday, March 30, 2014
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment